Dinakip ng mga tauhan ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang pulis-Makati dahil sa umano'y pangongotong sa isang babae sa Makati City kamakailan.
Ang mga suspek ay kinilala ng pulisya na sina Patrolman Mark Dann Advincula, 32, at Mark Joseph Segador, 31, kapwa nakatalaga sa Makati Police substation 6.
Sinabi ng mga awtoridad na dinakma ng mga miyembro ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dalawang pulis sa ikinasang entrapment operation sa A. Mabini Street, Barangay Poblacion.
Bago ang pagdakip, nakatanggap ng text messages ang biktima mula sa isang indibidwal na nagsasabing inirereklamo siya ng isang banyagang nakilala niya nitong Disyembre 8 na tinangayan umano nito ng pera at ATM card.
Nagkasundo ang dalawa na magkita sa isang lugar sa Makati kung saan nilapitan siya ng dalawang pulis na nagdala sa kanya sa presinto.
Sa presinto, kinuha umano ng dalawang pulis ang kanyang cellphone at nagtungo rin sila sa bahay nito kung saan ninakaw din ng dalawang ang cellphone ng kanyang partner.
Hinihingan umano ito ng pera kapalit ng dalawang gadget. Dahil dito, nagsumbong ang biktima sa pulisya na ikinaaresto ng dalawang pulis na nahaharap na sa kasong kriminal at administratibo.