Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang isang bodega ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City nitong Sabado, Disyembre 17.
Layunin ng nasabing hakbang ni Marcos na matiyak na sapat ang suplay ng bigas sa mga Kadiwa ng Pasko store.
Sinabi ng Malacañang, abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga Kadiwa store dahil nasa ₱25 kada kilo lang ito.
“May nagtanong nung nasa ano tayo, nung nasa Quezon City tayo, ‘yung supply ng Kadiwa ay baka mapatid, baka magkulang. Kaya’t tinitignan ko kung saan manggagaling ‘yung supply na pinagbibili natin sa mga Kadiwa. So pinuntahan ko na muna. Mukhang may laman naman ‘yung mga warehouse at mayroong parating pa nga,” sabi ni Marcos.
“This is already the season na naglalabas na ng bigas. So tuloy-tuloy na siguro ito kaya’t para naman natitiyak natin na ‘yung Kadiwa ay hindi mauubusan ng commodities na ipagbibili… at a good price, ‘yan yung 25 pesos,” aniya.
Sapat naman aniya ang suplay ng bigas sa naturang bodega ng NFA, kahit binawasan na ng gobyerno ang kanilang importasyon dahil pinagtutuunan ngayon ng pansin ang produksyon ng mga magsasaka sa bansa.