Taon-taon inaabangan ang Paskuhan sa University of Santo Tomas sa España, Maynila, kaya nang inanunsyo ang pagbabalik nito ngayong taon, kaniya-kaniyang espekulasyon ang mga Tomasino kung sino-sino nga ba ang mga bandang tutugtog at magiging bahagi ng concert.
Nagbigay ng patikim ang mismong student council ng pamantasan na University of Santo Tomas Central Student Council (UST-CSC) tatlong araw bago ang nasabing event.
Sa isang Facebook post, makikitang tila may apat na musikerong imbitado at masisilbing main performers para sa Paskuhan.
"Paskuhan's fast approaching and we couldn't be more excited because this year's festivities will be extra special through exclusive performances from these four artists!" saad sa caption ng Facebook post kahapon ng Biyernes, Disyembre 16.
"Any guesses on who they might be? Let us know in the comments below!"
"Stay tuned because we still have a lot in store for all of you tonight, Thomasians!" saad pa nila.
Hula sa isang komento ni Charles Nobleza, si Monty ng bandang Mayonnaise, Adie, Lola Amour, at This Band ang nasa larawang ibinahagi ng UST-CSC.
Tumindi pa ang excitement ng mga Tomasino nang isa-isang naglabas ng teaser ang UST-CSC sa pamamagitan ng “4 pics 1 performer” na guessing game sa kanilang social media accounts.
Isa sa mga gumawa ng ingay ang post na may caption na, “What if… magkatotoo ‘yung greatest ‘what if’ mo?” na may pagkakapareha sa mga linyahan sa hit movie nila Janine Gutierrez at Paulo Avelino na “Ngayon Kaya.”
Matatandaang isa sa official sountracks ng pelikula ang “Jopay” ng bandang Mayonnaise, dahilan upang makompirma ng mga Tomasino na pupunta nga ang nasabing banda sa kanilang unibersidad ngayong darating na Lunes.
Hindi gaya ng mga nakalipas na taon, ang UST Paskuhan 2022 ay eksklusibo lamang sa Thomasian community ayon mismo kay UST Secretary General Fr. Louie Coronel, O.P.
Maari namang mapanood ng iba ang nasabing event sa UST Tiger TV Facebook page mula alas-dos ng hapon sa Lunes, Disyembre 19, 2022.
“UST Paskuhan 2022: Pananabik, Pagbabalik, Panunumbalik” ang siyang magiging tema ng selebrasyon sa UST ngayong taon. Ito ang kauna-unahang UST Paskuhan sa loob ng halos tatlong taon nang ipinagbawal ang mga events dahil sa COVID-19 pandemic.