Nagbigay ng kaniyang reaksiyon at saloobin ang kilalang disc jockey at katandem ni Ted Failon na si "DJ Chacha" hinggil sa pagsulong ng 279 solons na pabor sa kontrobersiyal na "Maharlika Investment Fund".
Ang Maharlika Investment Funds ay naglalayong ma-maximize ang state assets o government revenue upang gawing "sovereign wealth fund", sa pamamagitan ng pag-invest dito sa iba't ibang real at financial assets. Kamakailan lamang, tinanggal na rito ang mga labis na pondo mula sa pension plans gaya ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
Ang naturang bill ay suportado naman ng mga kaanak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gaya nina House Speaker Martin Romualdez (Leyte, First District), misis niyang si Rep. Yedda Marie Romualdez ng Tingog Sinirangan, at Ilocos 1st District Rep. Sandro Marcos.
Aakyat na ito sa Senado sa susunod na taon.
Pahayag naman ni DJ Chacha sa kaniyang tweets, "279 ang bumoto pabor sa Maharlika Investmend Fund. Wow. Just Wow. May check and balance pa ba sa bayang ito?"
"WHY THE RUSH??? Madaling-madali kayong maipasa, ito na bang Maharlika Investment Fund ang magpapababa sa presyo ng sibuyas at mga iba pang pangunahing bilihin? Emz," dagdag pa niya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Ms. DJ Chacha, wala na tayo check and balance. Wasak ang 3 branches ng gov't. Ang Legislative & Judiciary ay under na ng Executive branch. Puro sipsip at himod na lahat sila sa presidente kasi takot na hindi sila mabigyan ng biyaya (pera)."
"Tuta ang legislative branch sa mga kagustuhan ng executive branch. Check and balance is dead."
"It's each man (or woman) for himself na. Lookong out for his/her own interest. Kanya-kanyang diskarte na ito, masisiguro lang na may assured share sila of the pie."