Nanawagan nitong Sabado si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa publiko na maagang magparehistro upang makaboto sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isang pulong balitaan, pinayuhan rin ni Garcia ang mga botante na magtungo na kaagad sa pinakamalapit na tanggapan ng Comelec sa kanilang lugar upang magpatala at huwag nang hintayin pa ang mga huling araw ng rehistrasyon.
“The more voters, the greater the opportunity that we can strengthen our democracy in our country,” ayon kay Garcia.
Nabatid na ang nagpapatuloy na voter registration sa bansa ay nagsimula noon pang Disyembre 12.
Bukas aniya ang mga tanggapan ng Comelec para sa pagpapatala, simula Lunes hanggang Sabado, ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Magtatagal lamang ang panahon ng pagpapatala hanggang sa Enero 31, 2023.