Nagpaplano ang Commission on Elections (Comelec) na magdagdag ng mas maraming site para sa Register Anywhere Project (RAP) nito, partikular sa mga kolehiyo at unibersidad.
Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na kasalukuyang nakikipag-ugnayan sila sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para magkaroon ng RAP ang ilang kolehiyo at unibersidad.
“[Magkakaroon ng] registration sites sa ating mga nangungunang unibersidad at kolehiyo. Asahan po ninyo ito na gagawin natin sa lalong madaling panahon. Kinakausap na rin po namin ang DepEd at ang CHED, ani Laudiangco sa isang panayam nitong Sabado, Dis. 17.
Sinabi ni Laudiangco na pinaplano nilang magsagawa ng RAP sa ilang mga institusyong pang-edukasyon sa Enero 2023.
“Siguro po sa mga susunod na linggo, probably by January po, masimulan po namin ito. Kinakausap na rin namin sila paisa-isa po,” aniya.
Nagsimula ang pagpapatupad ng RAP noong Sabado, Disyembre 17, at magtatapos sa Ene. 22, 2023— tuwing Sabado at Linggo, maliban sa Disyembre 24, 25, at 31, 2022 pati na rin sa Ene. 1, 2023.
Sa kasalukuyan, ginaganap ang RAP sa SM Mall of Asia sa Pasay City, SM Fairview sa Quezon City, SM Southmall sa Las Piñas City, Robinson’s Place Manila, Robinson’s Galleria sa Quezon City, Robinson’s Mall Tacloban sa Barangay Baras Baras, Tacloban City; SM City Legazpi sa Legazpi City, Albay; at Robinson’s Mall Naga sa Naga City, Camarines Sur.
Sinabi ni Laudiangco na nakipag-coordinate na rin sila sa Department of Transportation (DOTr) para lalo pang isulong ang RAP.
“Sa MRT at LRT, may posters na rin po diyan. Tumutulong ang Department of Transportation pati na rin po sa ibang mga terminal para maipakalat sa ating mga kababayan ang registration na nagaganap," sinabi niya.
Analou de Vera