Ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga daungan at terminal ay nararamdaman na mahigit isang linggo bago ang araw ng Pasko, ayon na mismo sa Philippine Coast Guard (PCG).
Noong Sabado, Disyembre 17, namonitor ng PCG ang 45,271 na papalabas na pasahero at 35,554 na papasok na mga pasahero sa lahat ng daungan sa buong bansa. Nagsimula ang monitoring alas-6 ng umaga at natapos alas-12 ng tanghali.
Ani Commo. Armando Balilo, tagapagsalita ng PCG, 2,108 frontline personnel ang naka-deploy sa 15 PCG districts para mag-inspeksyon ng mga sasakyang pandagat sa mga daungan. May kabuuang 425 sea vessels at 680 motorbanca ang sinuri ng mga tauhan ng PCG sa anim na oras na monitoring.
"Inilagay ng PCG ang kanilang mga distrito, istasyon, at sub-staions sa [a] heightened alert upang pamahalaan ang pagdagsa ng mga pasahero sa pantalan sa panahon ng Yuletide," ani Balilo.
Nagkabisa ang heightened alert status noong Disyembre 15 at tatagal hanggang Enero 7.
Samantala, hinihikayat ang riding public na makipag-ugnayan sa PCG sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page o sa hotline nitong 0927-560-7729 para sa mga katanungan, alalahanin, at paglilinaw hinggil sa sea travel protocols at regulasyon para sa holidays.
Martin Sadongdong