ILOILO CITY – Naitala na maging sa isla-lalawigan ng Guimaras ang kauna-unahang kaso ng African Swine Fever.

Sinabi ni Department of Agriculture (DA)-6 Director Jose Albert Barrogo na ang unang kaso ng lalawigan ay natagpuan sa bayan ng Buenavista.

Ang mga specimen mula sa isang hog farm sa Barangay Sawang ay sumailalim sa pagsusuri sa DA-6 Regional Animal Diseases Diagnostic Laboratory at naging positibo ang resulta nitong Biyernes, Disyembre 16.

Agad na nanawagan ang DA-6 ng coordination meeting kasama ang Guimaras provincial government sa ilalim ni Gov. JC Rahman Nava para pag-usapan ang mga posibleng interbensyon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakikipagtulungan naman ang Guimaras Provincial Agriculture Office at ang Guimaras Provincial Veterinary Office sa kanilang mga katapat sa local government units (LGUs) ng mga bayan ng Buenavista, Jordan, Nueva Valencia, San Lorenzo, at Sibunag.

“We commend the Province of Guimaras for their vigilance and the immediate issuance of an executive order mandating the temporary ban on the entry and exit of swine, pork, pork products, and pork by-products to and from Buenavista,” ani Barrogo.

Ang Guimaras ang pangalawang probinsya sa Western Visayas region na may mga kaso ng ASF. Ang una ay ang Iloilo kung saan walong bayan ang may kaso ng ASF. Ang kabisera ng rehiyon, ang Iloilo City, ay mayroon ding mga kaso ng ASF.

Tara Yap