Tila pag-aray ng groom ang makikita sa ngayo'y viral wedding photo ng isang kasalan kamakailan. Gayunpaman, lagi’t laging may kuwento sa likod ng bawat larawan.

Sa panayam ng Balita Online sa Thal Ruin Photography nitong Biyernes, isang kilalang lifestyle photography service provider, taliwas sa pabirong caption ng kanilang viral post, hindi naman pala natusok ng abay ang groom.

Sikat na tindahan ng mga segunda-manong libro, tutuklas ng bagong paraan ng pagbebenta

Sa espeyal na kasalan nina Angelu Dalwampu at Marionne Xam Paderon, noong Dis. 2 sa Don Bosco Batulao, isang partikular na larawan nga ang umagaw ng pansin sa maraming netizens sa pag-uulat.

“Actually po yung photo na yun is reaction ni groom nung nakita nyang malaki yung pardible na itutusok sa suit. Nagkabiruan pa nga sila ni Marvin (secondary sponsor) kung saan part itutusok kasi napakalaki,” anang TRP sa Balita.

“Nanghinayang siya kasi magkakabutas yung suit, sayang naman. Hindi naman talaga sya natusok. Hahaha,” natatawang paglilinaw pa nito.

Kasalukuyang umani na ng nasa higit 9,000 laughing reactions ang larawan at nagbunga rin ng kaliwa’t kanang nakakaaliw na mga reaksyon ng netizens.

“Baka po kasi karibal ‘yan? Hahaha,” pabirong teyorya ng isang netizen.

“Bawal magmura, nasa simbahan po tayo!” pag-react ng isa pa.

“Sakit niyan pre,” pakikisimpatya ng dagdag na netizen sa pag-aakalang natusok nga ang groom.

Pabirong paalala ng TRP sa mga abay gayunpaman, “sa damit po ang tusok, hindi sa balat.”

Pagbibida ng TRP, isang masayang experience ang kanilang garantiya sa mga kliyente.

Sa katunayan, trademark na nga anila ng mismong studio owner ang “playful, natural, and authentic” na mga kuha sa mga espesyal na okasyon.

“Working with Thal Ruin himself is a lot of fun due to his lively personality. He enjoys cheesy dad jokes and belly laughs, and he solely believes in positive energy,” anang TRP sa Balita.

Samantala, ang kakaibang pangalan ng “Thal Ruin” ay hango sa pinagsamang salitang “Thal” o pinaikling “Crystal,” pangalan ng studio owner, at “Ruin” na paboritong kanta nito ng bandang “Lamb of God.”

Taong 2014 nang ilunsad ang TRP. Bagaman eksperto sa wedding photography, subok na rin ang parehong studio para sa iba pang espesyal na okasyon.