Nasamsam ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang P254,280 halaga ng umano'y shabu at marijuana mula sa pitong lalaki sa magkakasunod na buy-bust operation mula Huwebes, Dis. 15 hanggang Biyernes, Dis. 16.

Nasakote ng QCPD Holy Spirit Police Station (PS 14) ang dalawang suspek dakong alas-4:45 ng madaling araw nitong Biyernes sa Republic Ave sa Brgy. Banal na Espiritu.

Kinilala ni Lt. Col Alex Alberto, station commander ng PS 14, ang mga suspek na sina Audrey Justin Fulong, 21, residente ng Brgy. Holy Spirit Quezon City, at John France Baulos, 19, ng Batasan Hills, Quezon City.

Ayon sa PS 14 Station Drug Enforcement Unit (SDEU), isinagawa ang buy-bust operation matapos ireport ng isang impormante ang illegal drug trade nina Fulong at Baulos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Narekober ng pulisya ang mahigit dalawang kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P240,000, isang unit ng Honda Dash motorcycle, at ang buy-bust money.

Samantala, naaresto rin ang lima pang drug suspect sa tatlong magkahiwalay na entrapment operations sa lungsod.

Nadakip ng mga operatiba ng QCPD Kamuning Police Station (PS 10) ang mga drug suspect na sina Christian Paul Biona Guerra, 25, at Joel Costales Fernandez, 53, dakong alas-9 ng gabi. noong Huwebes sa EDSA malapit sa kanto Kamuning Road sa Brgy. Sacred Heart, Quezon City. Nakuha mula sa dalawa ang anim na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,080, isang cellular phone, at ang buy-bust money.

Narekober ng mga miyembro ng QCPD La Loma Police Station (PS 1) ang kalahating gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400 mula kina Lynn Tamondong at Joseph Taño-An sa Brgy. Manresa, Quezon City bandang alas-6:30 ng umaga noong Huwebes.

Ang isa pang drug suspect na kinilalang si Jackie Sibunga Lorenzo, 34, ay inaresto ng QCPD Batasan Police Station (PS 6) dakong 8:15 ng gabi sa parehong araw sa Malasakit St. sa Brgy. Commonwealth, Quezon City, matapos makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800.

Sinabi ng QCPD na ang lahat ng mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Diann Ivy Calucin