Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang mangunguna sa pagsisimula ng tradisyunal na “Simbang Gabi” sa lungsod, ngayong Huwebes ng gabi, Disyembre 15.
Nabatid na ang mga anticipated na misa na tinawag na “Simbang Gabi 2022” ay gagawin sa Kartilya ng Katipunan sa likod ng Bonifacio Shrine, na katabi ng Manila City Hall.
Ang nasabing misa na isasagawa sa malaking open space ay gaganapin gabi-gabi, ganap na alas-7:00 mula ngayong Huwebes hanggang sa Disyembre 23.
Samantala, tinapos na rin nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang distribusyon ng Christmas gift boxes para sa senior citizens ng lungsod, na naglalaman ng tumbler, coffee at cookies.
Personal na namahagi sina Lacuna at Servo ng nasabing mga regalo sa may 179,000 elderly citizens sa lungsod.
Ang distribusyon ng mga regalo ay ginawa sa loob ng dalawang araw.
Matatandaang una na ring nagdaos ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng 12 days na gift-giving sa lahat ng pamilya sa lungsod.
Umaabot sa 695,000 ang bilang ng mga pamilyang nabiyayaan ng Christmas food boxes na naglalaman ng Noche Buena items.