TABUK CITY, Kalinga -- Dalawa ang patay habang apat ang sugatan matapos mahulog sa irrigational canal ang kanilang sasakyan, kaninang umaga, Disyembre 15, sa Sitio Tuliao, Barangay Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Sa mabilis na pag-responde ng mga tauhan ng Tabuk City Police Station, 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company and Tabuk City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ay nadatnan nila ang isang Blue Double Cab Elf na nahulog sa canal at agad na-rescue ang mga biktima.
Kinilala ang mga biktima na sina Cesar Camtugan, driver; Marlon Kis-ing, 35; Jaymar Badillo, 31; Daniel Cudal, 57 and Jayson Kinto, 37, na pawang naisugod sa Kalinga Provincial Hospital.
Napag-alaman na si Kinto, na nagtamo severe head injury ay namatay habang ginagamot sa ospital.
Ang isa pa nilang kasamahan na si Edwin Capuyan, na naiulat nawala nang maganap ang aksidente ay natagpuang patay sa 'di kalayuan na pinangyarihan ng aksidente.
Sa imbestigasyon ng Tabuk CPS, ang sinasakyang Blue Double Cab Elf ng mga biktima ay paadaan sa Kalinga-Cagayan Road patungo sa karatig-lalawigan ng Barangay Manag, Conner, Apayao, nang nawalan ng kontrol ang drayber habang papaliko sa kalsada at nagtuloy-tuloy ito sa irrigation canal.