Tila may pasaring ang aktor at Nueva Ecija 2nd District Board Member Jason Abalos sa kaniyang Facebook page hinggil sa kalagayan ng Aliaga Road sa Nueva Ecija.
Ayon sa kaniyang Facebook page, tila malubak o hindi maayos ang naturang kalsada na isa pa namang National Road.
"May mas papanget pa bang kalsada dito sa Aliaga road sa buong NE?" ayon sa verified Facebook account ni Abalos.
Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 4.4K reactions, 773 shares, at 723 comments ang naturang FB post.
Naitampok din ang kaniyang FB post sa page na "Ang Bagong Nueva Ecija".
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng mga netizen:
"Madami!"
"Malaking sungkaan 'yang kalsada diyan. Kagagawa lang niyan sa totoo lang, pero lalong nasira pagkatapos gawin."
"Lagi kami dumadaan diyan papuntang Homegame haha mas nakakapagod dumaan diyan kesa sa mismong game haha."
isang netizen naman ang nagsabing sinulatan pa niya ang mayor ng Aliaga upang iparating ang hinaing tungkol sa naturang national road.
"Hindi naisama sa "Build, Build, Build" ng nakaraang gobyerno. Bilang kalalawigan at dumadaan din diyan sa Aliaga-Cabanatuan Road, sinulatan ko si Aliaga Mayor na iparating ang sitwasyon ng kalsada sa kinauukulan. Walang sagot sa akin. Kung maaayos ang kalsada, kayang 3 hours magbiyahe mula NLEX to Cabanatuan."
"Dapat mahiya yung mga kontraktor at engineer ng daan na 'yan para silang walang mga isip sa ginawa nila. Dapat silang kasuhan at makulong nasasayang lang pera ng taong bayan."
Samantala, wala pang tugon ang pamunuan ng Aliaga o maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol dito, bagama't noong Setyembre, napaulat na sa Philippine News Agency ang puspusang pagre-repair sa dilapidated road sections sa Nueva Ecija, gaya ng Cabanatuan City-Carmen at Sta. Rosa-Tarlac roads, sang-ayon sa panayam kay Armando Manabat, head ng DPWH-Nueva Ecija’s 1st District Engineering Office.