Nagsumite na ang Department of Health (DOH) ng mga kinakailangang dokumento sa Commission on Audit (COA) nitong Huwebes ng hapon, para sa isasagawang auditing sa mga bakuna laban saCovid-19.
Nabatid na mismong si DOH Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire ang nagtungo sa tanggapan ng COA sa building 2, ng DOH Compound, upang ipasa ang mga kinakailangang dokumento.
Alinsunod na rin ito sa special audit na isasagawa ng COA para sa mgaCovid-19vaccine procurements.
Batay sa pahayag ng DOH, sisiguruhin ng Kagawaran ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa COA para sa iba pang mga dokumento at impormasyon na kakailanganin ng komisyon.
Ipinaalam din ng DOH na patuloy ang mga programang bakunahan upang hindi masayang ang mga bakuna at upang mas mapatatag ang wall-of-immunity ng bansa laban saCovid-19.
Pagtiyak pa ni Vergeire, “Handa pong harapin ng Kagawaran ng Kalusugan ang anumang katanungan ukol sa ating vaccine procurement sapagkat kampante tayo na lahat ng mga prosesong isinagawa ng ating pamahalaaan sa pagbili ng mga bakuna upang maprotektahan ang ating mga kababayan ay nakaayon sa batas.”
Dagdag pa niya, “Makakaasa rin ang publiko na hindi ito makakaapekto sa paghahatid natin ng kalidad na serbisyo at pagbabakuna para sa proteksyon ng bawat Juan at Juana.”
Matatandaang kinumpirma ng DOH kamakailan na milyun-milyong doses ng bakuna ang nasayang lamang at hindi naiturok sa mga mamamayan.
Ipinaliwanag ng DOH na ang pagkasira ng mga bakuna ay dulot na rin ng maikling shelf life ng mga ito at pagtanggi pa ng ilang mamamayan na magpaturok ng bakuna.