Nabawasan na umano ang mga barko ng China na nagkukumpulan sa West Philippine Sea (WPS).

Partikular na tinukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Western Command ang mga Chinese vessel sa Iroquois Reef at Sabina Shoal na malapit sa Palawan at bahagi ng WPS.

Nauna nang sinabi ng militar na ilang beses na nilang binalaan ang mga barko ng China na umalis na sa lugar na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Gayunman, binale-wala umano sila ng mga ito.

Nababahala na rin si Department of National Defense (DND) officer-in-charge Senior Undersecretary Jose Faustino, Jr. sa pananatili ng mga nasabing barko sa Iroquois Reef at Sabina Shoal.

Sa kabila nito aniya, patuloy pa rin ang isinasagawa nilang maritime and aerial surveillance sa lugar.

“The President’s directive to the Department is clear—we will not give up a single square inch of Philippine territory. We continue to conduct routine maritime and aerial patrols in the WPS. While the Philippines is still open for dialogue, he reiterated that activities violating the country’s sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction as well as undermining the peace and stability of the region are unacceptable,” sabi pa ng opisyal.