Umani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sasapat sa isang pamilyang may limang kasapi ang isang payak na Noche Buena package na nagkakahalagang ₱500, kung magiging maayos ang pagba-budget nito.

Ayon mismo kay Atty. Ruth Castelo, undersecretary ng DTI, may resibo umano sila na puwedeng-puwedeng makapamili ng mga ihahanda sa Noche Buena ang isang pamilyang may budget na ₱500. Kung mamimilosopo lamang daw, hindi talaga ito kakasya, aniya pa.

Giit pa ni Castelo, hindi umano intensiyon ng DTI na mang-insulto ng mga consumer, kundi magbigay lamang ng inspirasyong posible pa ring magkaroon ng simpleng pagtitipon o salusalo sa bisperas ng pagdiriwang ng Pasko, kahit hindi malaki ang budget para dito.

“Ang aming intensyon would be to have help sa mga tao, makapagbigay kami ng idea para sa masaganang Pasko na tuloy pa rin ang Pasko sa ganitong halaga na pang-Noche Buena,” aniya sa isang panayam.