NUEVA ECIJA -- Nasamsam ang mahigit ₱400,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu kabilang ang isang baril sa isinagawang buy-bust operation sa probinsya, Martes, Disyembre 13.
Sa ulat ni PCOL Richard V. Caballero, officer-in-charge ng Nueva Ecija Police, bandang 9:45 ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang pulisya sa Brgy. San Juan ACCFA Cabanatuan City na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang drug personalities na pawang mag-live-in partner mula sa Brgy. Daan Sarile.
Nakabili ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng umano'y shabu ang isang police-poseur buyer sa isa sa mga suspek na kinilala na si "Dading."
Habang inaaresto, nakipagbarilan ang suspek sa mga operatiba na nagtatangkang arestuhin siya upang ipagtanggol ang sarili.
Nasamsam sa suspek ang isang homemade cal 9mm pistol na may magazine at may apat na ammunitions, at 11 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng umano'y shabu.
Samantala, nasamsam din ang isa pang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng umano'y shabu sa ka-live in partner ng suspek.
Umaabot sa ₱409,360 ang halaga ng shabu na nasamsam sa mga suspek.
Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165, RA 10591, at Article 155 ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Cabanatuan City.
Ibinunyag din ni Caballero na matagal nang minomonitor ng pulisya ang dalawang suspek na sangkot sa illegal drug trading sa probinsya.