Ikatlong Miss International crown para sa bansang Germany ang naiuwi ni Jasmin Selberg sa naganap na finale ng prestihiyusong kompetisyon sa Tokyo Dome City Hall, sa Japan nitong Martes, Dis. 13.
Tinalo ng German beauty queen ang 65 iba pang kandidata sa iba’t ibang mundo na nagmarka sa ika-60 edisyon ng isa sa Big 5 international pageant.
Samantala, ikinagulat naman ng maraming fans ang hindi inasahang mga kaganapan sa kompetisyon.
Kabilang na rito ang pagkakatanggal na agad sa semifinals pa lang ng ilan sa mga top favorites kabilang na ang mga kandidata ng Vietnam, Indonesia, Venezuela, at Mexico.
Tanging ang delagada lang ng Pilipinas na si Hannah Arnold ang pumasok mula Asya.
Sa huli, itinanghal ngang bagong Miss International titleholder si Jasmin Selberg. Kabilang sa kaniyang court queens sina Stephany Amado ng Cabo Verde bilang first runner-up, Tatiana Calmell ng Peru bilang second runner-up, Natalia Lopez ng Colombia bilang third runner-up at Celinee Santos ng Dominican Republic bilang fourth runner-up.
Sa final pick ng grupo ng pageant experts sa Missosology, nasa ikawalong puwesto lang si Jasmin kaya’t ikinagulat rin ng fans ang naging pasabog nito sa finale.
Nabatid naman na ang German beauty queen ang isang pageant veteran at suki na rin sa ilang international beauty pageants kabilang na ang Miss Globe at Miss Supranational.
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati pa rin ang Binibining Pilipinas Charitites, Inc. (BPCI) para sa semifinal finish ng 26-anyos na si Hannah.
Si Miss International 2016 Kylie Verzosa ang huling Pinay titleholder ng Miss International.