Umarangkada nang muli nitong Lunes, Disyembre 12, ang voter's registration sa bansa para sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa taong 2023.

Nabatid na target ng Comelec na makapagtala ng karagdagan pang 1 hanggang 1.5 milyong bagong botante sa naturang rehistruhan na magtatagal lamang hanggang sa Enero 31, 2023.

Ayon kay Comelec spokesman Atty. John Rex Laudiangco, ang voter registration ay isasagawa mula Lunes hanggang Sabado, ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ang mga nais magparehistro ay maaaring magtungo sa Office of the Election Officer sa lungsod, munisipalidad o distrito, kung saan naninirahan ang aplikante.

Wala namang magaganap na voter registration sa Disyembre 24 at 31, na bisperas ng Pasko at Bagong Taon.

Sinabi ni Laudiangco na nais ng Comelec na maisagawa ng maaga ang voter registration bilang paghahanda sa BSKE 2023.

Inaasahan namang magbubukas rin ang Comelec ng mga satellite voter registration sa mga malls. 

Kaugnay nito, hinikayat ni Laudiangco ang mga aplikante na mag-download na at mag-fill up ng registration forms mula sa Comelec website para sa mas mabilis na transaksyon.

Nabatid na lahat ng uri ng pagpaparehistro ay tatanggapin ng Comelec, kabilang na ang aplikasyon para sa transfer ng rehistro, reactivation ng registration, pagpapalit o pagtatama ng entries sa registration records, reinstatement ng pangalan sa listahan ng mga botante at paglilipat ng registration records mula sa post to local.

Samantala, magdaraos rin ang Comelec ng pilot testing para sa kanilang "Register Anywhere project" (RAP) para sa taong malayo sa kanilang permanenteng tahanan dahil sa trabaho, negosyo o pag-aaral.

Sisimulan ang RAP sa Disyembre 17 at isasagawa rin sa mga petsang Disyembre 18, 2022 at Enero 7, 8, 14, 15, 21 at 22, 2023.

Magsasagawa ng pilot testing sa RAP sa limang piling malls sa National Capital Region (NCR), kabilang ang SM Mall of Asia sa Pasay City, SM Fairview sa Quezon City, SM Southmall sa Las Piñas City, Robinson's Place Manila, at Robinson’s Galleria sa Quezon City.

Magkakaroon na rin ng pilot sites ng RAP sa Robinson’s Mall Tacloban, Barangay Baras Baras, Tacloban City; SM City Legazpi, Imelda Roces Avenue, Zone 9, Barangay 37 Bitano, Legazpi City, Albay; at maging sa Robinson’s Mall Naga, Naga City, Camarines Sur.

Idaraos rin umano ang RAP sa ilang government sites gaya ng Senate of the Philippines sa Pasay City sa Enero 25, 2023; House of Representatives sa Quezon City ngunit wala pang petsa kung kailan ito maidaraos, at sa Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa Pasay City na wala pa ring eksaktong petsa.