Isa sa mga nagulat sa biglaang pagpanaw ni "Pilipinas Got Talent" Season 1 Grand Winner Jovit Baldivino ay ang Kapamilya singer na si Angeline Quinto.
Aniya sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 9, sana raw ay hindi na lamang totoo ang lahat. Para sa kaniya, napakaaga pa para sa buhay ni Jovit na bumalik sa Poong Maykapal.
"Isa sa pinakamagandang boses at pinakamabait na nakatrabaho ko noong nagsisimula ako sa industriya. Hindi ko makakalimutan ang kakulitan mo Jovs. Lalo kung gaano ka kasweet sa mga tagahanga mo. Napakaaga naman masyado Jovs. Sana hindi na lang totoo na nangyari ito," ani Angeline.
"Salamat Jovit sa pagkakaibigan at mga pagkakataon na makatrabaho kita. Kantahan at pasayahin mo sila dyan sa langit ah Jovs."
"Mahal na mahal ka namin."
Ibinahagi naman ng partner ni Jovit na si Camille Ann Miguel ang FB post ni Angeline. Kung may higit na nasasaktan sa mga nangyari, walang iba kundi si Camille na hindi na umano alam kung magmamahal pa ng ibang lalaki.
Napag-alamang dumalo pa rin si Jovit sa isang event kahit napagsabihan na umano ng doktor na magpahinga na lamang, ayon sa inilabas na opisyal na pahayag ng kaniyang pamilya. Dahil daw sa hiling o request ng mga dumalo sa naturang party, napakanta pa raw si Jovit kabilang ang "Faithfully" na naging trademark niya sa nabanggit na talent reality competition.
Ilang oras ang nakalipas, napansin daw na tila na-deform at tumutulo na ang laway ni Jovit habang nakaupo lamang, kaya isinugod na siya sa ospital.
Batay sa CT scan, lumalabas na may blood clot o bara ang kaniyang utak, o brain aneurysm. Ilang araw din umanong nasa comatose condition ang singer.
Nilinaw pa ni Camille na hindi totoo ang mga kumakalat na post at balitang nag-collapse si Jovit kaya naospital.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/12/10/camille-ann-miguel-kay-jovit-di-ko-alam-paano-ulit-ako-magsisimula-nasanay-akong-alagaan-ka/">https://balita.net.ph/2022/12/10/camille-ann-miguel-kay-jovit-di-ko-alam-paano-ulit-ako-magsisimula-nasanay-akong-alagaan-ka/
Noong madaling-araw ng Disyembre 9, nagulat ang lahat sa balitang yumao na ang singer.
Basahin:https://balita.net.ph/2022/12/09/singer-na-si-jovit-baldivino-pumanaw-na/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/12/09/singer-na-si-jovit-baldivino-pumanaw-na/