BAGUIO CITY — Sa temang "A Renaissance of Wonder and Beauty" ay hindi na mapipigilan ang paglulunsad ng face to face celebration ng ika-27 taon ng inaabangan at sikat na Baguio Flower Festival o Panagbenga sa Pebrero 2023.
Idinaos sa city hall ground ang launching ng Panagbenga Festival para sa 2023, kasabay ng pagtatanghal ng kalendaryo ng mga aktibidad ngayong umaga, Disyembre 12, na dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod at opisyal ng Baguio Flower Festival Festival, Inc.(BFFFI ).
"No holds barred. Panahon na para buhayin natin ang ating kultural na yaman at masaya tayong lahat dahil sa muling pag-usbong ng ekonomiya sa kabila ng halos dalawang taon nating pagbagsak dahil sa pandemic," ani Mayor Benjamin Magalong.
Tiniyak din ni Magalong sa mga residente maging sa mga bisita na mananatili ang minimum health protocols.
"Yes I'm very excited that now we can celebrate Panagbenga fully, happily, as we know na matagal na itong hinihintay ng ating mga turista. Ayaw nating dumami ang kaso ng Covid sa mga nangyari sa ibang bansa. dahil sa selebrasyon, pero sa pagkakataong ito ay inihanda na natin ang lahat para maging ligtas ang ating selebrasyon," ani Magalong.
Ayon kay Anthony de Leon, chairman ng executive committee (Execom), gagawin ng BFFFI ang lahat ng mas malalaking aktibidad sa susunod na taon, lalo na ang tradisyonal na Panagbenga events na magiging kasiya-siya para sa mga manonood.
“Katulad ng aming nakaugalian, iimbitahan ng BFFFI ang mga kalahok sa street dancing mula sa lalawigan ng Cordillera upang ipakita rin ang kanilang cultural presentation at maging sa float ay iniimbitahan din kami ng mga malalaking kumpanyang lumahok noon at maging ang Hall of Famers ay lalahok sa Float parade,” ani De Leon.
Magsisimula ang Panagbenga Festival mula Pebrero 1 hanggang Marso 5, 2023. Ilan sa mga tradisyonal na kaganapan ay ang Grand Opening Parade sa Pebrero 1; Panagbengascapes Professional Landscaping Competition at Exhibition mula Pebrero 1 hanggang Marso 5; Pag-aalay ng Panagbenga sa Pamilya sa Baguio noong Pebrero 12; Fluvial Parade-Mardigas sa Lawa noong Pebrero 19;
Inaasahan ang pagdagsa ng mga turista para sa Grand Street Dance parade sa Pebrero 25 at sa engrandeng Float Parade sa Pebrero 26.