Magkatuwang sina Vice President Sara Duterte at San Juan City Mayor Francis Zamora sa gagawing pagbisita sa Pinaglabanan Elementary School bukas, Martes, Disyembre 13, ganap na alas-9:30 ng umaga upang inspeksyunin ang mga pasilidad ng paaralan, partikular na ang libreng fiber optic internet connection at smart TVs na inilagay sa mga silid aralan ng lokal na pamahalaan.
Nabatid na inimbitahan ni Zamora si VP Sara, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), sa launching ng programa upang personal na maipakita sa kanya ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mapagkalooban ng de kalidad na edukasyon ang kanilang mga mag-aaral.
Ayon kay Zamora, bilang bahagi ng kanilang pangako, ang lahat ng 13 public schools sa lungsod at bibigyan nila ng libreng fiber optic internet connection at WiFi sa lahat ng silid-aralan at mga common areas, gayundin ng 55-inch na smart TVs sa bawat silid-aralan.
“Giving our students quality education is part of my ten-point agenda as mayor which is in line with our objective of being a smart city. We want to empower our public school students by providing them with facilities and equipment which are comparable or may even be better than what private schools have," ani Mayor Zamora.
Nabatid na oobserbahandin nina Mayor Zamora at VP Duterte ang testing ng internet connection at itsi-check ang posibleng aplikasyon na maaaring gamitin ng mga guro, gamit ang smart TV, sa pagtuturo ng aralin.
Maaari naman aniyang gamitin ng mga bata ang kanilang tablet at laptop at free fiber optic internet connection upang makasunod sa lecture.
Magkakaroon din umano ng maikling demonstrasyon sa mga silid-aralan para sa multilingual instructional materials upang higit pang pag-igihin ang learning experience ng mga estudyante.
Sinimulan ito sa Pinaglabanan Elementary School at nakatakda na ring ipatupad sa lahat ng San Juan City public schools simula sa susunod na taon.