Tila nadismaya umano ang vloggers na inanyayahan sa meet and greet para kay Pangulong Bongbong Marcos sa Malacañang noong Sabado, Disyembre 10, dahil sa idinulot na pagkain sa kanila.
Ayon sa ulat, ensaymada at juice lamang daw ang inihanda sa vloggers gayong magtatanghalian na nang ganapin ang event.
Ito ang ibinalita ni Maharlika, isang US-based Pinoy YouTuber, matapos umanong ma-discriminate ang vloggers na tagasuporta ni PBBM dahil espesyal daw ang inihaing pagkain sa mga taga-mainstream media.
"Papano babangon ang loyalista at vloggers kung ginutom n'yo? Pag mga oligarko, negosyante, mga kaklase at kachokaran… buffet, overflowing coffee, charcuterie, sky is the limit ang wine atbp. ang alay n'yo," ani Maharlika.
"Sobrang baba naman ang trato n'yo sa taong nagmamahal at sumusuporta sa mga Marcos."
Aniya pa sa isa pang Facebook post, "Ensaymada ang lunch ng Marcos Loyalists/Vloggers sa Meet & Greet ni PBBM. Samantalang ang Malacañang Press Corps pang 5 star hotel at may music performance pa."
"SEE THE DIFFERENCE? Ang tawag diyan DISCRIMINATION."

Kalakip nito ang isang TikTok video kung saan makikita naman ang espesyal na pagkain umano para naman sa mainstream media na naanyayahan sa event. Makikita rin dito ang pagbibigay ng mensahe ni PBBM.
Pakiramdam daw ng vloggers na naimbitahan sa event ay "busabos" ang naging treatment sa kanila.


Samantala, wala pang tugon o pahayag ang Palasyo tungkol sa isyung ito.