Palayo na ng bansa ang bagyong Rosal na may international name na "Pakhar" habang ito ay lumalakas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa abiso ng PAGASA, huling namataan ang bagyo 770 kilometer silangan ng Calayan, Cagayan nitong Lunes ng umaga.
Taglay ng bagyo ang hanging 85 kilometer per hour (kph) at bugso na hanggang 105 kph.
Ito ay kumikilos pa-hilagang silangan habang papalayo sa Pilipinas.
Sa pagtaya naman ni PAGASA weather specialist Obet Badrina, posibleng humina ang bagyo sa Miyerkules ng madaling araw at magiging low pressure area (LPA) na lang kinagabihan.
Paglilinaw pa ni Badrina, hindi na makaaapekto sa bansa ang nasabing bagyo.