BATANGAS CITY -- Patay ang dalawang barangay tanod matapos barilin at saksakin umano ng isang nag-amok na suspek nitong Linggo, Disyembre 11 sa Brgy. Bilogo dito.
Kinilala ng Batangas City police ang mga biktima na sina Ruben Torino, 52; at Robinson Torino, 50.
Habang ang suspek naman ay kinilalang si Reinaldo Barangas, 48, driver at residente ng Sitio Silangan, Brgy. Dumantay.
Ayon sa ulat, nakaduty ang mga biktima dakong alas-8 ng gabi at nakatanggap ng impormasyon na may nagwawalang lalaki na armado ng patalim at baril.
Dahil dito, rumesponde ang mga biktima at sinikap na pakalmahin ang suspek ngunit sa kasamaang palad sila ang pinagbalingan ng baril at pinagsasaksak.
Nagtamo ng malubhang sugat ang mga biktima sa kanilang mga katawan.
Nagawa pa ni Ruben na bumunot ng baril at binaril ang suspek ngunit nakatakas na ito patungo sa direksyon ng Brgy. Paharang East.
Nagsagawa naman ng manhunt operation ang Batangas Police.
Isinugod pa sa Jesus of Nazareth Hospital ang mga biktima ngunit sila ay idineklarang dead on arrival.
Narekober ng pulisya sa lugar ng krimen ang isang fire cartridge case ng kalibre .9mm at ang baril na ginamit na .9mm pistol.