Pinaplano na ng Department of Agriculture (DA) na obligahin ang mga may-ari ng ng cold storage facilities na magparehistrobilang bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa pagpupuslit ng agricultural products sa bansa.
Binanggit ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez sa panayam sa radyo, dapat na ring matigil ang ginagawa ng mga onion trader na nagtatago ng mga produkto sa panahon ng anihan at inilalabas na lang ito kapag tumataas na ang presyo.
“I think it’s high time. May mga imperfections din tayo sa ating mga system, but it’s high time also na lahat ng cold storage siguro ipa-rehistro na natin,” ani Estoperez.
Nauna nang nanawagan sa DA at sa Bureau of Customs ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na bantayan nang mahigpit ang pagpasok sa bansa ng agricultural products.
Kasunod na rin ito ng nakumpiskang₱3.9 milyong halaga ng puslit na puting sibuyas sa Divisoria sa Maynila kamakailan.
“₱15 to₱20 ang onion kapag tag-ani. Magkano ang cost of production niyan,₱35. Kinukuha ng mga traders, ilalagay ang pulang sibuyas sa kanilang warehouse. Tapos ‘pag tinignan mo ang kanilang mga bodega, wala. Ano ‘yan, parang paru-paro? Lilipat lipat,” sabi pa ng opisyal.