Walong pasahero na pawang senior citizens at isang bata ang pumanaw matapos anurin umano ng malakas na agos ng tubig-ilog ang kinalululanang jeepney sa Tanay, Rizal nitong Sabado ng gabi, Disyembre 10.
Ayon sa ulat, napag-alaman daw na ang naturang jeep ay tumatawid sa isang ilog subalit nabalahaw ito sa kalagitnaan at saka tinangay ng baha. Hindi naman inaasahan ang biglang paglaki ng antas ng tubig sa ilog.
Sa isa umanong panayam kay Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office chief Norberto Francisco Matienzo, Jr., nagpahila pa raw sa isa pang sasakyan ang naturang jeep subalit hindi na nito kinaya ang malakas na ragasa ng tubig sa ilog; tumagilid at natumba ito hanggang sa matangay na.
Ayon sa isang netizen na nagngangalang "Renco Juson", mukhang kumuha ng ayuda ang naturang mga senior citizen. Ang mga litrato at video na ibinahagi niya ay nagmula naman sa netizen na si "POy PHitz".
"Ang serbisyo inilalapit sa tao hindi yung sila pa ang nagpapakahirap na maabot ang kakarampot na tulong na hindi naman galing sa bulsa n'yo.. Puwede naman kayo ang umakyat hindi na yung mga uugud-ugod pa ang bababa... condolence sa mga pamilya," aniya sa FB post.
"Ilan sa mga senior citizen na karamihan ay mga katutubong dumagat/remontado na nasawi dahil sa biglang paglaki ng tubig sa ilog habang tumatawid pabalik sa Brgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal. Sila ay mga beneficiary ng ayuda na ibibigay ng gobyerno na bumaba sa bayan para asikasuhin ang mga dokumento," dagdag pa niya.