Usap-usapan ngayon ang pasabog na outfitan nina 'Drag Race Philippines" queens Marina Summers at Eva Le Queen matapos nilang dumalo sa pangalawang #UnkabogaBALL2022 na pa-event ni Vice Ganda, na hindi lamang basta-basta fashion statement kundi "political statement".
"Philippine History" ang tema ng pa-event ni Meme ngayong taon.
Ang gown ni Marina Summers ay inspired kay dating First Lady Imelda Marcos, Sa harapan ay puti at malinis ito ngunit kapansin-pansin ang ilang bahid ng dugo at kamay sa likod nito.
Paliwanag ng fashion designer na si Paul Sese, simbolismo aniya ito ng mga naging biktima ng Martial Law sa Pilipinas noong dekada 70s, sa pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
"The GAG is the dress has an attached speaker sa loob tapos while she's walking down the red carpet may nagpe-play sa audio ng mga taong umiiyak.
"Di lang narinig because of the background music," paliwanag pa ni Paul sa kaniyang tweet.
Sa kaniyang Instagram post ay makikita ang matapang na paliwanag ni Marina tungkol dito.
"The real backstory," aniya.
"Our winning look for the #unkabogaball2022. This is the part of Philippine History that they are trying to conceal with glamour and misinformation. This is the story that should never be forgotten," aniya.
"Thank you to the team behind me for braving the red carpet with this statement."
Ibinahagi rin ni Paul sa kaniyang Instagram ang naturang post.
"The message of our look is clear and I am so happy that everyone understood. This is a part of our history that should never be erased and forgotten. #NeverForget #NeverAgain," pagdidiin ng designer.
Tila-Kim Kardashian naman ang peg ni Eva Le Queen subalit may putong siyang headress na ABS-CBN logo bilang pag-alala sa pagsikil umano sa kalayaan sa pamamahayag at pagpatay sa prangkisa ng network noong 2020.
Ginamit niyang caption ang pahayag ni Winston Churchill tungkol sa kasaysayan.
“Those that fail to learn from history are doomed to repeat it."
"Hindi man ako nakakain, the message was heard loud and clear. Never forget," saad ni Eva sa kaniyang tweet.
Sa huli, ang itinanghal na "Unkabogable Star of the Night" ay si Marina Summers, na nag-uwi ng ₱100K.