Dalawang bagong T129 ATAK helicopter ang binili ng Pilipinas sa Turkey.
Kaagad namang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ceremonial blessing ng dalawang helicopters sa Malacañang nitong Biyernes, ayon sa pahayag ng Office of the Press Secretary.
Bahagi aniya ito ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapalakas pa ang Philippine Air Force sa pagtatanggol sa ating bansa.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang dalawang bagong helicopter ay kukumpleto sa dalawang Bell AH-1S HueyCobra attack helicopters na bahagi ng donasyon ng Jordan.
Kaugnay nito, pinasalamatan din ni Marcos ang gobyerno ng Turkey at Turkish Aerospace Industries dahil sa pagtulong na gawing moderno ang kagamitan ng PAF.