Umaapela si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga magulang at guardians nitong Biyernes na pabakunahan na ang kanilang mga anak bilang proteksyon, ngayong panahon ng Kapaskuhan.    

Ang apela ay ginawa ni Lacuna matapos na mapunang napakababa ng bilang ng mga batang nasa lima hanggang 11-taong gulang, na nabakunahan na laban sa Covid-19, na umabot pa lang sa 153,810.

Samantala, ang kabuuang bilang naman ng bakuna na naibigay sa mga kabataan na edad 12 hanggang 17 ay 315,421.

      

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

"If you will notice, mababa ang vaccination rate sa 15 to 11 years old kaya hinihikayat ko ang mga magulang, kung gusto n'yong ipasyal ang inyong mga tsikiting lalo na dahil magpa-Pasko, ibili sila ng bagong damit, sapatos at regalo, pabakunahan muna natin sila nang sa gayun, kahit kayo mamasyal nang mamasyal,  alam nating me proteksyon sila kahit paano sa Covid-19," panawagan pa ng alkalde.      

Samantala, lumalabas naman na maganda ang bilang ng mga adults na nagpabakuna sa kauna-unahang pagkakataon.     

Noong Nobyembre 25 aniya, mayroong 452 indibidwal ang nagpabakuna ng kanilang  first dose.     

Ibinahagi din ni Lacuna na ang bilang ng mga nakatatandang nagpaturok ng kanilang booster ay tumaas na rin.      

Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng bakuna na na-administered ng pamahalaang lungsod ay umabot na sa 3.8 milyon, ito ay napakataas para sa lungsod, na ang populasyon ay dalawang milyon lamang.     

Muli rin namang nanawagan si Lacuna sa mga residente na ipagpatuloy ang pagtalima sa minimum health protocols, lalo na ngayong papataas ang bilang ng Covid-19 cases sa Maynila.     

"Sayang dahil napababa na natin ito dati. So, ibayong pag-iingat lang po," aniya pa.