May reaksyon ang batikang mamamahayag na si Arnold Clavio hinggil sa usap-usapang Maharlika fund.

Matatandaang trending parehong online at offline ang usapin ng Maharlika fund sa pag-uulat kasunod ng sunod-sunod na pambabatikos sa panukalang sovereign funds na manggagaling pa sa mga bangko at pension funds ng gobyerno.

Sa isang Instagram post nitong Miyerkules, Disyembre 7, ibinahagi ni Clavio ang kaniyang reaksyon hinggil sa naturang pondo. 

"P203B na estate tax... P275B Maharlika Wealth Fund... hmmm P72B na lang ang kulang. Puwede na ba?" saad nito sa ipinost larawan. 

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Saad naman ng mamamahayag sa caption, kung hihingan daw ang mga mambabatas ng P100 milyong piso, makakalikom daw ng P25B.

"At kung hihingan natin ang bawat mambabatas ng tig-p100 MILYONG PISO bawat isa . Nasa sa 250 (member of House of Representatives) o sumatotal ay makakalikom ng p25 B … Sakto lang," aniya.

"Hindi pa magagalaw ang pension at insurance fund ng mga miyembro ng GSIS at SSS at siyang mainit na pinag-uusapan sa ngayon.

"Kaya dapat bilisan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at nang magkaalaman na kung mayroon ngang pananagutan ang mga Marcoses kaugnay ng usapin ng estate tax," paglalahad pa ni Clavio.

Bukod dito, nabanggit din niya na ilang araw na ring siyang nakikinig sa mga diskusyon at mga panayam hinggil sa Maharlika Fund. 

"Sa ilang araw ng pakikinig ko sa mga diskusyunan o kaliwat kanang panayam , natatabunan ng kredibilidad ng mga personalidad na nasasangkot ang magandang intensyon ng MWF," saad ng GMA reporter.

"Dahil ang mga pinuno ng mga lalahok na MAHARLIKA ay pawang mga presidential appointees at never na makikipag-debate sa mga eksperto," dagdag pa niya.

Binigyang-diin din niya na hindi maipagkakailang baon sa utang ang Pilipinas.

"Hindi rin maipagkakaila na ang Pilipinas ay baon sa utang , international at domestic , para isugal pa ang natirirang pondo ng mga government , sa Maharlika funds. Walang personalan."

Ang Maharlika fund ay suportado naman ng mga kaanak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gaya nina House Speaker Martin Romualdez (Leyte, First District), misis niyang si Rep. Yedda Marie Romualdez ng Tingog Sinirangan, at Ilocos 1st District Rep. Sandro Marcos.

Matatandaang nagpahayag ng “pagkatakot” si Senadora Imee Marcos sa isinusulong sa naturang pondo.

Ayon sa ulat, inihambing ng senadora na kapatid ng pangulo ang nangyari noon sa bansang Malaysia kung saan pinag-ugatan pa ito ng korupsiyon. Aminado rin ang senadora na hindi pa niya nababasa ang kabuuang detalye ng bill.

BASAHIN:https://balita.net.ph/2022/12/03/pag-isipang-maigi-sen-imee-marcos-kabado-sa-isinusulong-na-maharlika-investment-fund/