Nagbigay ng opinyon si Ogie Diaz hinggil sa usaping kung obligasyon ba ng mga anak na magbigay ng pera sa magulang bilang sukli sa kanilang pagpapalaki.

(Ogie Diaz/FB)

Sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Disyembre 8, sinagot ni Ogie ang tanong kung obligasyon ba ng mga anak na magbigay ng pera sa magulang biglang sukli sa kanilang pagpapalaki.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Sey ni Ogie, madalas daw niyang naririnig na dapat magkaroon siya ng anak para raw may umakay sa kaniya. 

"'Tama yan, Ogie. Mag-anak ka. Para pagtanda mo, may mag-akay sa ‘yo. Sila naman ang babawi pag uugod-ugod ka na!' Juice ko, yan ang madalas kong marinig. Di naman ako naiirita, nginingitian ko na lang kasi opinyon nila yon. Eh, sa yan ang konsepto nila ng pagkakaroon ng anak, eh. Ang old school, di ba?" aniya

Gayunman, maayos naman daw niyang ipinaliliwanag sa mga tao na hindi siya nag-anak para lang may umakay sa kaniya. Aniya, masarap daw kasing sabihin na masaya ang may sariling pamilya.

"Pero maayos ko namang ipinaliliwanag sa kanila na hindi ako nag-anak para lang may umakay sa akin. Mas masarap pa ring sabihing, 'Nag-anak ako kasi, gusto ko. Kasi, masaya ang may pamilya. Masarap na may matawag akong pag-aari ko kasi anak ko sila. At mas masarap isipin na ang goal ko ay ako pa rin ang aakay sa kanila kahit otsenta na ako.'

"Ibig sabihin, kahit 80 na ako, malakas pa rin ako. Ang katawan ko. Pag-iisip ko. Kaya pa ng emosyon ko ang kung anumang ire-react ko o gagawin ko sa mga kaganapan sa mga anak ko at mga kaapu-apuhan ko," sey pa niya.

"Kaya nga ako nag-iipon. Kasi mga babae ang lima kong anak. Pag nag-asawa ang mga yan, buhayin sila dapat ng mga asawa nila. Gusto nilang magpamilya eh. Eh di panindigan nila. Kaya nga sabi ko sa kanila, 'Pag nag-asawa kayo after 25 years old na, meron kayong prize sa akin.' **kung anuman yon, amin na lang yon ng mga anak ko.

"Gusto ko kasi, i-enjoy nila ang kabataan nila. Lagi kong sinasabi sa kanila, 'Pag kayo nag-asawa na, nag-anak na, mali-limit na ang mga gusto nyong gawin sa buhay. Hindi nyo mama-maximize ang pagiging youth nyo. Mas magandang may mai-share kayong realization at wisdom sa mga anak nyo kasi na-experience nyo yon before.'

"Mag-aral mabuti sa kursong pinili nila, magkaroon ng stable job. Magandang may alam sila sa buhay para di sila pinagmamalakihan ng lalake. Para pag iniwan sila, okay lang, dahil kaya mong magtrabaho kahit wala siyang hindot siya. Di ba? Dapat naman talaga, ganon," paglalahad pa ni Ogie.

Binigyang-diin niya na kung ang mindset niya ay dapat alagaan siya ng mga anak niya, baka raw masaktan lang siya kapag hindi iyon nangyari. Kaya nga raw siya nag-iipon para sa kanilang mag-asawa dahil ayaw niyang umasa sa mga anak pagdating ng araw.

"Hindi nila kami obligasyon, kaya hindi rin para mag-demand kami sa kanila ng aruga. Nasa mga bata yan kung gusto nilang gawin yung bumawi sa amin sa anumang paraan na kaya nilang bumawi. Di para mag-impose sa kanila. May obligasyon sila sa sarili nila o sa binuo nilang pamilya, yun ang unahin nila," pagbabahagi ng talent manager.

"Kaya nga ako nagse-save, dahil ayokong umasa sa mga anak. Na mas gugustuhin kong sila ang manghingi sa akin kesa ako ang manghingi sa kanila. Bonus na lang talaga yung sobra ka nilang mahal, masaya pa sila sa piling ng magulang nila, na gusto nilang bumawi sa amin ng mama nila, kaya ayaw pa nilang mag-asawa.

"Basta ako, lagi kong ipinagpe-pray na ang lahat ng anak ko pagdating ng panahong gusto nilang bumuo ng sariling pamilya ay sana, makayanan nila ang trials at marami silang matutunan sa buhay.

"Kung dumating man ang panahon na mas matimbang ang lovelife o dyowa nila kesa sa amin ng parents nila, maiintindihan ko. Didibdibin ko pa ba yon? Eh, ayoko nga ng wrinkles, eh. No expectations, no disappointments," paliwanag pa niya.

Sa huli, anuman ang mangyari sa mga anak nandyan pa rin naman silang mga magulang para samahan pa rin ang mga ito.

"After all, pag nagkamali naman sila, nabigo sila sa pag-ibig, nagkaroon man sila ng anak at iniwan sila, alam nilang hinding-hindi namin sila tatalikuran ng mama nila. Kami pa rin ang magulang nila na buong-buo, yayakapin sila at di nila kailangang magpaliwanag pa."