Lalo pang pinatingkad ang makasaysayang gusali ng Philippine Post Office sa Maynila ng mga Parol at pailaw, kasabay nang paglulunsad ng “Christmas 2022 Stamps” na kinatatampukan ng tradisyonal na mga larawan ng Paskong Pinoy na nagpapakita ng pagbibigayan ng pagkain at regalo,pagpapailaw ng parol at pagsasama-sama ng pamilya.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Postmaster General Norman Fulgencio na kahit humaharap sa pagsubok ng buhay, tayong mga Pilipino ay laging handang salubungin ang Pasko ng may masayang puso.

Naging panauhing pandangal ng Post Office sa naturang okasyon ang mga “batang pinoy” ng Maynila na hinandugan naman nito ng mga pagkaing kanilang pinagsalu-saluhan.

“No matter how hard it is; Filipinos will always have the heart to celebrate Christmas. After all, Jesus is the reason for the season, kaya “tayo nagdiriwang ng pasko”. The simple act of sharing brings happiness and blessings,” ayon pa kay Fulgencio.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Dagdag pa niya, “lagi tayong nagdiriwang ng Pasko ng may kagalakan ng puso dahil sa pagsilang ni Hesus sa munting sabsaban. Ang pagpapailaw sa makasaysayang gusali ng Manila Central Post Office ay sumisimbolo ng pag-asa at makulay na kinabukasan para sa ating lahat.”

Inihayag pa ng postmaster general na, “ang Post Office ay isa sa pinakalumang institusyon sa mundo na ipinamana ng ating mga ninuno. Lagi nating tatandaan na tayong lahat na mga kawani ng Post Office ay mga tagapangalaga ng serbisyong postal at dapat natin pagyamanin ito sa pamamagitan ng teknolohiya.”

Aniya, ipinahihiwatig sa selyo ang matibay na pananampalataya sa Diyos atang masayang pagsama-sama ng pamilya at mga magkakaibigan.

Nais din ng PHLPost na maging sentro ng atraksyon ng mga bumibisita sa Maynila ang makasaysayang gusali ng post office upang maipakita ang mga natatanging selyo na naglalarawan ng mayamang kultura at kasaysayan ng bansa.

Nabatid na naglimbag ng 40,000 kopya ang PHLPost para sa apat na magkakaibang disenyo ng selyo na nagkakahalaga ng P12 bawat isa.

Idinesenyo ng In-house graphic arts designers’ na sina Agnes Rarangol, Ryman Dominic Albuladora , Eunice Beatrix Dabu and Israel Viyo ang mga makukulay na Christmas stamps.

Mabibili na ang mga ito simula ngayong Biyernes, Disyembre 9, 2022 ang mga limitadong kopya ng stamps na may temang Unity, Faith and Prosperity sa Philatelic Counter, Manila Central Post Office.

Ang mga interesado hinggil dito ay maaaring tumawag sa mga numero ng telepono sa 8527-01-08 or 8527-01-32 o i-follow/like ang facebook pagehttps://www.facebook.com/PilipinasPhilately/.