Mismong si Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Singh-Vergeire ang nanguna sa paglulunsad ng Bakunahang Bayan: Biyayang Proteksyon sa Paskong Pilipino sa Almanza Health Center, Las Piñas City nitong Miyerkules.
Katuwang ng DOH sa aktibidad ang Metro Manila Center for Health Department (MMCHD) na pinangungunahan ni Regional Director Gloria Balboa.
Ayon sa DOH, layon ng aktibidad na mabakunahan ang natitirang kabataang nasa edad 5-11 taong gulang na wala pang primary series, mga edad 12-17 taong gulang na wala pang booster shots, at mga indibidwal na nakatakdang magpa-2nd booster, nakaliban ng primary o booster dose, partikular sa bahagi ng health and economic sectors.
Kasama rin sa naturang aktibidad sina Las Piñas Councilor Filemon "Peewee" Aguilar III, City Health Office Officer-in-Charge Dr Juliana Gonzales, Metropolitan Manila Development Authority COVID-19 Committee Chairperson Dr. Annabelle Ombina at mga lokal na opisyal ng lungsod.
Sa nasabing aktibidad, nakapagbakuna si OIC Vergeire ng mga batang edad 5-11, upang proteksyunan ang mga kabataan, lalo na't nagbukas nang muli ang mga eskwelahan.
Nagbigay-suporta rin sa bakunahang ito ang Mcdonald's Corporation at Las Piñas City LGU na namigay ng mga incentives at gift packs para sa mga kabataang lumahok.
“Patuloy ang paghihikayat ng Kagawaran ng Kalusugan na magpabakuna at magpabooster na po tayo sa lalong madaling panahon dahil ang pagpapabakuna ay hindi lamang pagpili ng kaligtasan para sa ating mga sarili kung hindi pati ng ating mga mahal sa buhay at ng ating komunidad na kinabibilangan. Kaya naman, nagpapasalamat din kami sa bawat Las Pinero at Las Pinera na piniling maprotektahan ang kanilang mga sarili at bayan sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagpapabooster laban sa COVID-19," ayon kay Vergeire.