Arestado ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Southern District Office kasama ang dalawa pang anti-narcotics agents at isang driver matapos makuhanan ng P9.18 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation ng pulisya sa Taguig City.

Batay sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen Kirby John Kraft, naaresto ang apat na suspek sa mismong PDEA Southern District Office sa Bonifacio Street sa Barangay Upper Bicutan, Taguig noong Disyembre 6.

Kinilala ang mga suspek na sina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero, mga ahente na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno, at drayber na si Mark Warren Mallo.

Ang buy-bust operation ay isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit kasama ang iba pang operatiba.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasamsam sa operasyon ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu (methamphetamine hydrochloride) na may bigat na 100 gramo na nagkakahalaga ng P680,000, isang plastic ng hinihinalang shabu na may bigat na 1,250 gramo na nagkakahalaga ng P8.5 milyon, P1,000 bill na may halong 99 piraso ng P1,000 na peke bill na ginamit bilang buy-bust money, isang .40-caliber pistol at isang digital weighing scale.

Nasa kustodiya na ngayon ng NCRPO ang mga suspek habang nakabinbin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Jonathan Hicap