Hindi nagpatumpik-tumpik pa si “Miss Q&A” 2018 5th runner-up Marigona Dragusha sa aniya’y harap-harapan na umanong "panggagago" ng ilang nasa puwesto kasunod ng kontrobersyal na mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon.

Ito ang laman sa Facebook page ng personalidad, Miyerkules, sa gitna rin ng pinag-uusapang kaso ng host at komedyanteng si Vhong Navarro.

Partikular na tinira ni Marigona ang ilang nakikisawsaw umano sa kaso ng Kapamilya star habang tikom naman sa mga pinakamaiinit na isyung pambansa.

“Sobrang dami mong time mag-comment sa case ni Vhong Navarro pero wala kang comment sa 500M confidential fund ni Sara Duterte at 250B Maharlika fund na maaring kunin sa pension ng mga magulang mo,” unang talak ng Miss Q&a alumnus.

BALITAnaw: Ang timeline ng 14 taong death row sentence ni Mary Jane Veloso

Basahin: Vhong Navarro, pinayagan makapagpiyansa, anang kaniyang abogado – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Matatandaang trending parehong online at offline ang usapin ng Maharlika fund sa pag-uulat kasunod ng sunod-sunod na pambabatikos sa panukalang sovereign funds na manggagaling pa sa mga bangko at pension funds ng gobyerno.

Pangunahing pangamba ng mga kritiko, hindi ngayon ang tamang panahon para sa polisiya sa gitna pa rin sa krisis sa ekonomya, maliban pa sa mga panganib ng multi-bilyong pondo na mauwi lang sa korapsyon.

“Do you really have to give chances sa mga taong paulit-ulit tayong ginagago harap-harapan? Noooo!!!” mariing pagtutol ni Marigona rito.

Pagbibigay-linaw pa niya sa kaniyang followers, “Navarro's case will not affect you directly. But, the OVP's budget has direct implications on you cause you are a taxpayer.”

Matatandaan ang binatikos ding confidential fund ni Vice President Sara Duterte na may kabuuang P650 milyon, kung saan ilalagak sana ang P500 milyon sa kaniyang tanggapan habang P150 milyon naman ang ilalaan sana sa pinamumunuang ahensya na Department of Education (DepEd).

Nauna namang na-realign na ng Senado kamakailan ang P120 milyon sa confidential fund ng DepEd para sa inisyatibang Healthy Learning Institution.

“Isama mo na ang mga kinakaltas sa sahod mong SSS, GSIS contributions eventually ay maging funding source ng Maharlika Funds unless wala kang binabayaran at hindi ikaw ang nagbabayad. Make sense?” dagdag ni Marigona.

Bagaman layon ng Maharlika Wealth Fund na pondohan ang naglalakihang pambansang proyekto ng gobyerno, bukod sa iba pang programa, malinaw ang agam-agam ngayon ng marami kaugnay sa anila'y paglalagay sa alanganin sa pinakaaasam na pensyon ng mga Pilipino.