Sinuspinde ng Philippine National Railways (PNR) pansamantala, ang lahat ng kanilang mga biyahe nitong Miyerkules ng hapon.

Bunsod na rin ito nang pagtama ng magnitude 5.3 na lindol sa Camarines Norte, na naramdaman din sa Metro Manila.

“Pansamantalang suspendido ang lahat ng byahe ng PNR ngayong hapon, Disyembre 7, dulot ng yanig na dala ng lindol,” anang PNR sa isang advisory.

Layunin anila nitong alamin kung posibleng may tinamong pinsala ang mga pasilidad ng PNR dulot ng lindol, para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga mananakay.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Kaugnay nito, inabisuhan rin ng PNR ang kanilang mga pasahero na i-check ang kanilang official Facebook page para sa updates hinggil sa biyahe at iskedyul ng kanilang mga tren. 

"Antabayanan ang mga susunod na anunsyo sa ating official Facebook page para sa karagdagang updates patungkol sa ating mga byahe. Maraming salamat!" anang PNR.

Batay sa earthquake bulletin ng Phivolcs, ang tectonic quake ay tumama dakong ala-1:05 ng hapon at may lalim na isang kilometro.

Ang epicenter ng lindol ay naitala sa bahagi ng Tinaga Island (Vinzons).

Wala namang inaasahan ang Phivolcs na matinding pinsala na naidulot ng lindol, ngunit asahan na anila ang pagkakaroon ng mga aftershocks.