Nalunod at binawian ng buhay ang isang batang babae matapos na pabiro umanong itinulak ng kaniyang kaibigan sa ilog sa Makati City, kamakailan.
Nasa advance stage of decomposition na ang bangkay ng biktimang si Ghieden Pacapac, 12, estudyante at residente ng A. Francisco St., Sta. Ana, Manila, nang matagpuan ng mga rescuers sa Sta. Ana Ferry Station sa Sta. Ana, Maynila dakong alas-3:00 ng hapon nitong Martes.
Nasa kustodiya naman na ng Makati DSW ang kaibigan ng biktima na 12 anyos lamang at hindi na pinangalanan para sa kaniyang proteksyon.
Sa imbestigasyon ni PEMS John Charles Duran, ng Manila Police District (MPD) - Homicide Section, dakong alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 5, nang huling makitang buhay ang biktima.
Nagkayayaan umano ito at ang kanyang mga kaibigan, na magtungo sa Pasig River, sa JP Rizal Avenue, Brgy. Poblacion, Makati City, upang maligo.
Pagdating sa ilog, pabiro umanong itinulak ng kaibigan ang biktima sanhi upang mahulog ito sa tubig.
Gayunman, lumubog ang biktima at hindi na muling lumutang pa.
Kaagad namang ini-report ang insidente sa Makati Police Station at Philippine Coast Guard (PCG) at nagsagawa ng rescue operation sa biktima ngunit bangkay na ito nang matagpuan.