Limampung milyong Pilipino ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang unang booster shot ng bakuna laban sa Covid-19, sinabi ng Department of Health (DOH).
Muling hinimok ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang mga kwalipikadong indibidwal na kumuha ng kanilang mga booster shot para mas maprotektahan ang kanilang sarili laban sa viral disease.
"Sa buong bansa, mayroon lamang tayong 26 porsiyento sa lahat ng kwalipikadong populasyon na bakunado ng unang booster shot," ani Vergeire nitong Miyerkules, Disyembre 7.
“Kaya isipin na itong 50 million na mga Filipino na wala pang first booster shot ay maaaring magkaroon ng kanilang mga kritikal na sakit dahil sa Covid-19. At iyon ang ayaw nating mangyari,” dagdag niya.
Batay sa dashboard ng pagbabakuna ng DOH, may kabuuang 73,821,941 katao ang ganap na nabakunahan laban sa Covid-19. Gayunpaman, 21,102,493 na indibidwal lamang ang na-boost hanggang nitong Disyembre 6.
Pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na ang proteksyon mula sa unang dalawang dosis ng bakuna sa Covid-19 ay humihina sa paglipas ng panahon.
“Isa sa mga layunin kung bakit tayo nagbabakuna lalo na ang ating booster shots ay dahil nasabi na ng ebidensya na bumababa ang immunity ng una at pangalawang doses natin," sabi niya.
“So, kailangan i-boost uli yung ating sistema para tumaas uli ang proteksyon,” dagdag niya.
Bukod sa karagdagang proteksyon, ang pagkuha ng booster shot ay para rin maiwasan ang mga ospital na mapuno, ani Vergeire.
Analou de Vera