Halos isang buwan matapos dinggin ang bail petition ng “It’s Showtime” host na si Vhong Navarro para sa kasong rape na isinampa laban sa kaniya ni Deniece Cornejo, pabor ang lumabas na resolusyon ng korte, ayon na mismo sa abogado ng aktor ngayong Martes.
Sa ulat ng ABS-CBN, pinayagan makapagpiyansa ang Kapamilya star.
Babalikan noong Nob. 10, nadinig ng Taguig RTC Branch 69 ang petisyon ni Navarro na makapagpiyansa.
Ang kumpirmasyon ay mula mismo sa abogado ni Navarro na si Atty. Malonga.
Dagdag dito, umabot sa P1 milyon ang halaga ng bail ng aktor para sa kapalit na pansamantalang kalayaan.
Matatandaang naglabas ang korte ng non-bailable warrant of arrest para sa kasong rape laban kay Navarro noong Setyembre 19.
Nakakulong ang 45-year-old na aktor para sa kasong panggagahasa na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo na nangyari umano noong Enero 17, 2014 sa kanyang condominium unit sa Taguig.
Tila senyales naman itong hindi magdiriwang ng Pasko at Bagong Taon si Navarro sa piitan.
Samantala, naghihintay pa ng dagdag na detalye ang Balita Online ukol sa naging resolusyon ng korte.