Mariing itinanggi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mayroon nang outbreak ng hand, foot and mouth disease (HFMD) sa National Capital Region (NCR).

Kasunod na rin ito nang pagdami ng mga naitatalang kaso ng naturang viral illness sa rehiyon.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, mula Oktubre hanggang nitong Disyembre 6, umaabot na sa 155 ang kaso ng HFMD na kanilang naitala sa rehiyon.

Karamihan aniya sa dinapuan ng sakit ay pawang mga bata.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

Wala naman aniyang naitalang pasyente na namatay dahil sa naturang sakit sa nasabing panahon.

“Wala po tayong dinedeklarang outbreak para sa hand, foot and mouth disease,” anang kalihim, sa isang press briefing.“Hindi po siya nangyari ng isahan lang. Nangyari po siya over the span of 2 or 3 months dito po sa National Capital Region.”

Binigyang-diin din niya na bagamat dumarami nga ang mga kaso ng sakit sa rehiyon, nitong nakalipas na mga linggo, ay wala pang sapat na dahilan ang mga lokal na pamahalaan para magdeklara na ng outbreak.

Binigyang-diin pa niya na ang naturang karamdaman ay manageable naman at maaaring iwasan.

“Pero wala pa tayong enough basis for our local governments to declare outbreaks in their area. These are all manageable and preventable,” ani Vergeire.

Nabatid na ang HFMD ay isang common infectious disease na karaniwang dumadapo sa mga bata, ngunit maaari ring maihawa sa mga adolescents at matatanda.

Karamihan umano sa mga kaso nito ay mild lamang at self-limiting.

Kabilang sa mga sintomas ng HFMD ay lagnat, masakit na sugat sa bibig, rashes na may lintos sa kamay, paa at balakang.

Ilan naman sa malalang sintomas ng sakit ay meningitis, encephalitis at polio-like paralysis.