Ipinagmalaki ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na umani ng maraming pagkilala mula sa Philippine Hospital Association (PHA) ang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH). 

Pinuri rin ni Lacuna si JJASGH Director Dr. Merle Sacdalan-Faustino, gayundin ang lahat ng kawani ng nasabing ospital dahil sa kanilang walang kapagurang paglilingkod at sa pagbibigay serbisyo sa lahat ng nangangailangan.

Nabatid na kabilang sa mga karangalang tinamo ng JJASGH ay ang mga sumusunod: Overall Winner, Level 1 Hospital; Best in Hand Hygiene; Best in Environmental Cleaning and Decontamination; Best Infection Prevention Control Nurse,  Level 1 Hospital.

Nakuha rin ng JJASGH ang ikatlong puwesto sa PHA Handwashing Best Practices Tiktok Video: People's Choice Award.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa kanyang panig, ibinahagi naman ni Faustino-Sacdalan ang karangalan sa kanyang mga kapwa manggagawa at sinabing ang tagumpay ng kanilang ospital ay dahil na rin sa joint efforts. 

Aniya pa, hindi niya mapagtatagumpayan ang lahat kung wala ang mga kawani na nasa likod ng pang-araw-araw na operasyon ng JJASGH.                                                 

Kamakailan lamang, si Faustino ay kinilala rin bilang regional winner ng “Dangal Ng Bayan” Awards ng Civil Service Commission (CSC) dahil sa kalidad ng libreng serbisyong medikal na ibinibigay ng JJASGH, na isa sa anim na district hospitals na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Nangako rin si Faustino na siya at ang kanyang team ay patuloy na mag-iisip pa ng mga paraan upang higit pang paghusayin ang    serbisyong ibinibigay ng JJASGH sa mga residente ng Maynila at maging sa mga nakatira sa labas ng lungsod na nagtutungo sa ospital upang humingi ng tulong. 

Nanawagan din siya sa lahat ng mga kawani ng ospital na ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa kanilang mga pasyente.