Kahit sunud-sunod ang mga natatanggap na awards, wala pa ring kumpiyansa sa sarili ang anak ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na si Joaquin Domagoso.
Kamakailan nga lang ay pinarangalan si Joaquin bilang best actor sa seasonal film festival na 16th Toronto Film and Script Awards. Ito ay dahil sa epektibo niyang pagganap sa pelikulang “That Boy In The Dark.”
Kaya naman tukso ng manager niyang si Daddie Wowie Roxas naungusan daw ni Joaquin ang kanyang amang si Isko pagdating sa aktingan.
Never daw kasing nakatanggap ang huli ng kahit anong award sa aktingan noon. Kung tutuusin kakaumpisa pa lang ni Joaquin sa showbiz pero heto’t may pagkilala at karangalan nang natatanggap.
Pero in fairness kay Mayor Isko sa edad niyang 23 noon ay napasabak na ito sa politika kaya naman hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na mapalawak o mahinog sa pagiging ganap na actor.
Ang iba pang kasama sa pelikulang “That Boy In The Dark” ay sina Ramon Christopher, Lotlot de Leon, Nanding Josef, Kiko Ipapo, Glydel Mercado at Aneeza Gutierrez. Mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa at dinirehe ni Adolf Alix, Jr.
Samantala, nakorner ng Balita si Joaquin sa Teatrino Promenade Greenhills, San Juan City noong Disyembre 3 dahil tumanggap ulit siya ng award bilang Promising Young Actor of the Year 2023 sa 4th Philippine Faces of Success 2023 kasama ng co talent niyang si John Gabriel sa parehong award din.
Dito ay naitanong ang naging reaksyon ni Joaquin sa mga awards na natatanggap niya.
“Thank you po sa mga nanonood sa support lalo na sa mga fans ko and the people behind the Philippine Faces of Success.”
How about sa kanyang nakamit na international best actor sa 16th Toronto Film and Script Awards.
“Natutuwa po ako. Kasi I am a person that hindi po confident. Hindi po ako masyadong confident. Kahit na sabihin ninyo na confident ako in person I don't think of that way. So when do people telling me na magaling ka po. I start to appreciate the work that I've done. I really do I look. Because thankful ako sa mga fans ko and to these awards and of course to my loved ones telling me na magaling ka, 'yun po nakakabuti na po sa puso ko.”
Isa pang good news kay Joaquin ay nominado naman siya sa Star Awards for Movie ng Philippine Movie Press Club (PMPC) bilang New Movie Actor of the Year 2022 sa pelikula niyang “Caught in the Act.”
Makuha kaya niya yung award? Abangan!