Nasa alanganin pa rin ang buhay ng 19-anyos na Grade 12 student mula sa Dadiangas North High School, General Santos City, matapos itong mabato ng isang rolyo ng scotch tape ng kaniyang guro habang nasa klase sila, noong Oktubre.
Salaysay umano ng nanay ng mag-aaral sa Brigada News PH, Oktubre 12 nang maganap ang insidente. Nagpuyos daw ang kalooban ng guro dahil sa kakulitan ng kaniyang anak kaya hinagisan ito ng isang malaking rolyo ng scotch tape na sumapol naman sa ulo nito.
Napuruhan ang mag-aaral dahil sa pananakit ng ulo kaya isinugod ito sa ospital.
Nang pauwiin na ito ng doktor at nang nasa bahay na, muli umano itong nagsuka, kaya kaagad na ibinalik sa pagamutan. Dito umano nakitang may nabuong dugo sa ulo ng bata, kaya kailangan itong operahan.
Nag-ambagan na raw ang mga mag-aaral at guro sa naturang paaralan para sa pagpapagamot ng bata. Wala pang opisyal na pahayag mula sa gurong nakadisgrasya sa naturang mag-aaral. Hindi pa malinaw kung magsasampa ng kaso ang mga magulang ng bata laban sa guro.
Patuloy iniimbestigahan ng DepEd-Gensan ang naturang insidente.