Isa sa mga inaabangan tuwing may Christmas party ay ang pa-raffle. Subalit paano kung hindi appliances o cash ang premyo kundi… kabaong?

Iyan ang isa sa mga ibinalita ng "Frontline Tonight" matapos umanong ipa-raffle sa isang Christmas party sa Las Piñas City ang mga kabaong o ataul. Ang naturang Christmas party ay para sa mga miyembro ng Philippine Mortuary Association (PMA).

Makikita sa video ni "Tita Kei" ang mga kabaong na inilagay sa harapan ng host ng event habang isa-isang tinatawag ang mga pangalan ng mga "masuwerteng" nabunot sa raffle.

Bukod sa appliances, siyam na ataul daw, 20 marble urn, at formaldehyde ang ipinamigay sa naturang Christmas party. Huwag ismolin, dahil ang pinakamahal na kabaong na ipinamigay ay aabot sa ₱3M ang halaga.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sa tagal na raw ng pagtatrabaho bilang event host, ngayon lamang daw nakaranas si Tita Kei na magpa-raffle ng mga kabaong, urn, at formalin sa isang Christmas party. Isa pa lang itong 3 araw na convention at nang matapos ang convention, dito na naganap ang Christmas party.

Hindi naman akalain ni Tita Kei na may samahan pala o asosasyon ng mga nasa funeral industry. Bagama't aminadong takot siya sa kabaong, bilang host ay hindi niya ipinakita ito upang ma-hype ang enerhiya ng mga dumalo sa party.

Umani naman ito ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

"Paano 'to dadalhin sa bahay?"

"Puwede naman, gawing peace offering sa kagalit o kaaway para magkaroon ng katahimikan…"

"Sa kultura nating mga Pilipino, hindi angkop ang ganiyan, lalo't tingin natin sa kamatayan ay napakalungkot na pangyayari…"

"Ah… taga funeral industry naman pala hahaha."

"Why not? Practicality wise!"