Inilunsad na ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region, katuwang ang local government ng Malasiqui, Pangasinan ang “Bakunahang Bayan Part 2: PINASLAKAS Special Vaccination Days” sa kanilang lugar.
Ayon sa DOH-Ilocos Region, isasagawa ang bakunahan mula Disyembre 5 hanggang 8, 2022.
Layunin nitong mas marami pang mga residente sa lugar ang maturukan ng primary series at booster shots ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco na ito ang pamamaraan nila upang mabigyan ng proteksyon ang mga eligible population laban sa virus ngayong panahon ng kapaskuhan.
“Ang bakuna pa rin ang pinakaepektibong paraan upang maiwasan, malabanan at upang mapanatiling malakas ang ating resistensya laban sa COVID-19,” aniya pa.
“Inaanyayahan po namin ang lahat ng edad limang taong gulang pataas na pumunta sa pinakamalapit na vaccination outpost sa inyong lugar upang makakuha ng libreng bakuna,” aniya pa.
Dagdag pa ni Sydiongco, ipagpapatuloy nila ang kanilang customary house-to-house visits campaign para sa mga indibidwal na hindi kayang magtungo sa vaccination centers dahil sa kadahilanang pangkalusugan.
Magtatayo rin aniya ang regional office, katuwang ang Pangasinan provincial health office, ng vaccination sites sa iba’t ibang pampublikong lugar kabilang na ang mga malls, palengke at mga plaza.