Grabe ang kayang gawin ng agham! Kung susumahin, tatlong taon lang na mas matanda ang inang naging daan para masilayan ng kambal ang mundo matapos ang tatlumpung taong paghihintay.

Ito nga ang naging paraan para mapalaki pa ng mag-asawang Philip at Rachel Ridgeway ng Vancouver, Washington ang kanilang pamilya.

Naging posible ang tila imposible sa pamamagitan ng nabuong embryo noon pang Abril 1992 at pinangalagaan ng National Embryo Donation Center (NEDC) sa Amerika hanggang 2021.

Ang nonprofit Christian organization ay kilala sa kanilang pagsasakatuparan sa ilang heteroseksuwal na mag-asawa na maging isang ganap na mga magulang, sa ilalim ng ilang kondisyon, sa pamamagitan ng mga embryo na inimbak sa paraang gamit ang liquid nitrogen at in-vitro fertilization o IVF.

Human-Interest

Higanting coral, naispatan; mas malaki pa raw sa blue whale?

Noong ngang Oktubre 31, naipanganak sa wakas ang kambal na sina Timothy at Lydia matapos ang 30 taon paghihintay sa NEDC.

Ayon sa datos, ang kambal din ang pinaniniwalaang may hawak ngayon ng rekord sa pinakamatagal na imbak na embryo na matagumpay na naisilang. Nabasag nito ang dating recordholder na si Molly Gibson na naisilang noong 2017, 24 taon matapos mabuo at maimbak sa parehong liquid nitrogen.

Pagbabahagi ng mag-asawang Ridgeway, nais nilang maging bukas ang kambal sa napili nilang paraan sa oras na magkaroon na ang mga ito ng sapat na kamalayan.

"Our plans for the twins is to make sure their adoption is a part of their story,” ani Philip sa isang ulat ng Business Insider kamakailan.

Bago kasi nito, bagaman 2019 unang lumapit ang mag-asawang Ridgeway sa NEDC para dagdagan pa noon ang apat na mga anak, isang sorpresang supling ang natural na ipinagdala at isinilang ni Rachel noong 2020.

Hindi naman ito naging dahilan para talikuran ng mag-asawa ang unang plano na kumupkop ng embryo sa NEDC.

Sa katunayan, sa kabila ng pagkakaroon ng kasaysayan ng genetic disorders sa mga magulang ng noo’y embryo pa lamang na sina Timothy at Lydia, buong-loob pa rin na pinili ng mga Ridgeway na maging magulang ng mga ito.

“It didn't really matter to us if they're considered perfect or not,” saad ni Rachel sa parehong ulat.

Samantala, kung para sa maraming karaniwang tao ay kumplikado at malayo sa posible ang paglabas sa mundo ng kambal matapos ang tatlong dekada, tila isang simpleng mahika ng agham naman ito para sa mga eksperto at doktor na tumulong sa mga Ridgeway.

“It doesn’t seem like a sperm or an egg or embryo stored in liquid nitrogen ever experiences time,”anang isang fertility specialist na si Dr. Jim Tonersa ulat ng Daily Wire noong Nobyembre.

“If you’re frozen at nearly 200 degrees below zero, I mean, the biological processes essentially slow down to almost nothing,”segunda sa parehong ulat ng isa pang eksperto na si Dr. John Goner.