Sa huling pagkakataon, inawitan ni Kapamilya singer Erik Santos ang kaniyang namayapang si “Nanay Lits.”
Ito ang madamdaming tagpo na ibinahagi ng singer sa kaniyang Instagram nitong Lunes.
Sa huling araw ng burol ng kaniyang ina kamakailan, bagaman mahirap, ang anak mismo ang nag-alay ng isang kanta para sa pumanaw na ina.
“Alam kong di’ ko kakayaning kumanta sa mga oras na ‘yon, pero pinilit ko, dahil alam kong iyon na ang huling pagkakataon na kantahan ka sa harap mo,💔” mababasa sa nasabing IG post ng singer.
Kinanta ni Erik ang OPM classic na "Ikaw" ni Regine Velasquez na kargado rin ng mabibigat na salita.
Ilang beses pa siyang halos matigil sa pagkanta dahil sa pagbuhos ng kaniyang emosyon.
Sa huli, ipinaalala ng Erik sa ina ang kaniyang abot-abot na pagmamahal.
“Mahal na mahal na mahal kita, Nanay ko,” ani Erik.
Bumuhos din ang pakikisimptya ng netizens at mga kaibigan para sa singer.
Mahigpit na yakap ang alok ng kapwa singers na sina Kris Lawrence at TJ Monterde kay Erik.
Nasawi sa sakit na lung cancer si “Nanay Lits.” Siya'y 66-anyos.