Sinimulan na ng Manila City Government ang pamamahagi ng monthly allowance para sa may 45,000 solo parents at persons with disability (PWDs) sa Maynila nitong Lunes.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Nabatid na inatasan ni Lacuna si Social Welfare Department chief Re Fugoso na personal na pangunahan ang distribusyon ng nasabing cash aid matapos itong mai-released.          

Ayon kay Fugoso, ang kabuuang bilang na tatanggap na PWD mula sa Districts 1 hanggang 6 ay nasa 29,449, kasama rito ang mga PWDs sa Baseco at mga hindi nakatanggap noong huling payout.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Nasa P87.5 milyon ang kabuuang halaga na naipamahagi sa kanila.

Samantala, ang mga solo parent-beneficiaries naman ay nasa kabuuang 15,870, at mahigit P53.4 milyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa kanila.

Ani Fugoso, bawat PWD at solo parent ay tumanggap ng kabuuang P4,500 bawat isa o P500 monthly allowance mula Enero hanggang Setyembre 2022.

Isinagawa aniya ang pamamahagi ng cash allowances sa mga ito, sa mga barangay halls at covered courts, ganap na alas-8:00 ng umaga.

Ipinag-utos rin ni Lacuna ang paglalagay ng help desks para umasiste sa mga magkakaroon ng problema kaugnay ng kanilang allowances.

Ang monthly cash aid na binibigay sa mga PWDs at solo parents ay bahagi ng social amelioration program ng pamahalaang lungsod, na ayon kay Lacuna ay kabilang ang mga senior citizens at university students.        

Sa kabilang dako, nitong Lunes rin ay muling pinangunahan nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang ika-5 araw ng  Christmas gift-giving ng pamahalaang lungsod na tinawag na 'Paskong Manileno 2022.'     

Ang distribusyon ng  food boxes na naglalaman ng Noche Buena items para sa may 695,000 pamilya sa Maynila ay nagsimula pa noong   Disyembre 1.

Maliban pa sa  food boxes na nauukol sa lahat ng pamilya sa Maynila,  mayroon ding inilaang special gift packs para sa senior citizens ng lungsod na umaabot sa 160,000 ang kabuuang bilang.

Ayon kay Lacuna, lahat ng pamilya sa Maynila, maging mayaman man, middle-income o mahirap ay tatanggap ng food boxes, na ang laman ay nakatitiyak para may pagsaluhan ang pamilya sa tradisyunal na Noche Buena at sa mismong Araw ng Pasko. 

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, ang bawat Christmas food boxes ay naglalaman ng bigas, corned beef, spaghetti noodles at sauce, cheese, gatas at fruit cocktail.