Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon na simula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4, ay nakapagtala pa sila ng 7,731 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.

Batay sa inilabas na National Covid-19 Case Bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ng sakit ngayong linggo ay nasa 1,104.

Ito ay mas mababa ng apat na porsiyento kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 27.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, dalawa ang may malubha at kritikal na karamdaman.

National

OVP nagsagawa ng relief operations kahit lumipad pa-Germany si VP Sara

Samantala, mayroon namang naitalang 134 na pumanaw dahil sa sakit, kabilang ang 19 na naganap noong Nobyembre 21 hanggang Disyembre 4.

“Noong ika-4 ng Disyembre 2022, mayroong 595 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa Covid-19. Sa 2,413 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 534 (22.1%) ang okupado. Samantala, 5,177(25.3%) ng 20,452 non-ICU Covid-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ulat pa ng DOH.

Dagdag pa ng DOH, mahigit sa 73 milyong indibidwal o 94.27% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 20 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.37% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

“Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH.